Unang isinagawa ng Ministry of Foreign Affairs ng Taiwan sa Taipei ang “Carbon Exploration Camp: Taiwan-Allies Carbon Rights Cooperation Capacity Building Workshop” mula Hulyo 20 hanggang 24, 2026. Bahagi ito ng Prosperous Allies Program ng Taiwan at nilahukan ng matataas na opisyal at eksperto mula sa 11 bansang may diplomatikong relasyon sa Taiwan.
Ayon sa Foreign Ministry, ipinapakita ng malawak na paglahok ng mga kaalyadong bansa ang kanilang sama-samang determinasyon na harapin ang mga hamon ng climate change. Inaasahang mapalalalim din ng programa ang ugnayan ng Taiwan at ng mga kaalyado nito sa larangan ng klima, carbon rights, at international carbon markets.
Magkasamang inihanda ng Foreign Ministry at Industrial Technology Research Institute ang workshop. Kabilang sa mga aktibidad ang mga lecture mula sa local at international carbon experts tungkol sa United Nations Framework Convention on Climate Change at sa mga bagong development sa Paris Agreement.
Nagkaroon din ng case simulations, policy discussions, at exchange sessions. Isinama sa programa ang pagbisita sa Ministry of Environment, TaiwanICDF, Industrial Technology Research Institute, at ilang economic at cultural development projects upang mas maunawaan ng mga kalahok ang kasalukuyang development ng Taiwan.
Sinabi ni Deputy Foreign Minister François Wu sa opening ceremony na kailangang magtulungan ang Taiwan at mga kaalyadong bansa upang mapalakas ang kanilang kakayahan at resilience sa paglahok sa international carbon market at sa mga programang nagbabawas ng greenhouse gas emissions.
Ayon kay Wu, ipinapakita ng workshop ang constructive role ng Taiwan sa international climate issues. Umaasa siyang makatutulong ito sa pagbuo ng mas malinaw na kasunduan at kakayahan para sa bilateral at multilateral carbon cooperation sa hinaharap.
Sa welcome reception, sinabi ni Foreign Ministry Administrative Deputy Minister Remus Chen na aktibong tinutugunan ng Taiwan ang kahilingan ng mga kaalyado nito para sa mas malalim na pagtutulungan sa carbon rights. Nakikipag-ugnayan din umano ang Foreign Ministry sa iba pang government agencies para maisakatuparan ang Prosperous Allies Program.
Dagdag niya, gagamit ang Taiwan ng public-private partnerships at international cooperation upang matulungan ang green industries ng bansa na makapasok sa global market. Layunin din nitong gamitin nang maayos ang renewable energy at industrial competitiveness upang matupad ang climate commitments at masuportahan ang sustainable development ng mga kaalyadong bansa.
Umaasa naman si Environment Deputy Minister Shieh Yan-ju na maibabahagi ng Taiwan ang karanasan nito sa 2050 net-zero transition target, carbon fee system, at iba pang climate policies upang mapatatag ang pundasyon ng bilateral cooperation.
Sinabi ni Marshall Islands Ambassador to Taiwan Anjanette Kattil na makatutulong ang workshop sa mas malalim na palitan ng kaalaman at pagpapalakas ng partnership ng Taiwan at mga kaalyado nito. Aniya, mahalagang sabay na palakasin ang climate resilience, economic growth, at sustainable development.