Pumasok na ang Taiwan sa tinatawag na super-aged society. Sinabi ni Executive Yuan Minister without Portfolio at National Science and Technology Council Chairman Wu Cheng-wen na itinuturing ng pamahalaan ang mga nakatatandang manggagawa bilang mahalagang bahagi ng pambansang workforce. Bukod sa patuloy na pagsusulong ng healthy aging, hihikayatin din ng gobyerno ang mga senior citizen na manatili o muling pumasok sa trabaho at gamitin ang kanilang karanasan at kasanayan. Target ng pamahalaan na itaas ang bahagi ng mga nakatatandang may trabaho mula sa kasalukuyang humigit-kumulang 10% tungong 50% upang mapalakas ang labor force at ekonomiya.
Binuksan noong Agosto 7 ang ikatlong Senior Health Industry Expo na may temang “Taiwan, Leading the New Longevity Economy.” May kabuuang 1,380 booths ngayong taon, mas mataas ng 15% kumpara noong nakaraang taon.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Wu na dahil nasa super-aged society na ang Taiwan, hindi dapat nakatuon lamang sa healthcare ang mga polisiya. Dapat din umanong hikayatin ang mga nakatatanda na patuloy na makilahok sa lipunan at gamitin ang kanilang karanasan at propesyonal na kakayahan. Layunin ng pamahalaan na itaas sa higit 50% ang employment participation ng seniors mula sa kasalukuyang humigit-kumulang 10%.
Sinabi rin ni Executive Yuan Minister without Portfolio Chen Shih-chung na nasa humigit-kumulang 25% ang labor force participation rate ng seniors sa mga kalapit na bansa, habang mas mababa rito ang Taiwan. Sa pagharap sa super-aged society, hinihikayat ng pamahalaan ang mga nakatatanda na patuloy na magtrabaho upang gawing bahagi ng pambansang lakas ang kanilang kakayahan at karanasan.
Ayon kay Chen, mahalaga rin ang part-time work bilang opsyon para sa senior employment. Kung bawat nakatatandang manggagawa ay makalilikha ng humigit-kumulang NT$10,000 na halaga ng produksyon kada buwan, tinatayang mahigit NT$80 bilyon ang maaaring malikha sa loob ng isang taon mula sa 700,000 senior workers. Positibo umano ang magiging epekto nito sa ekonomiya.
Samantala, sinabi ni Economic Affairs Minister Kung Ming-hsin na inaprubahan na ng pamahalaan ang “Senior Technology Industry Action Plan.” Gagamit ito ng mga resources mula sa iba’t ibang ahensya upang palawakin ang market economy, digital empowerment, healthcare efficiency at kalidad ng buhay ng mga nakatatanda.
Ang Ministry of Economic Affairs ang mangunguna sa pagpapaunlad ng market economy. Sa nakalipas na dalawang taon, nakatulong na ang mga assistance at subsidy program nito sa mga kumpanya upang makabuo ng 279 produkto at maipatupad ang mga ito sa 174 locations. Nakalikha na rin ang mga programang ito ng mahigit NT$2.8 bilyon na kita at nakatulong sa paglinang ng 110 startup companies.