Inilabas kahapon, Agosto 6, ng Financial Supervisory Commission o FSC ang pinakahuling datos tungkol sa pagpapautang ng mga domestic bank sa Taiwan. Tumaas ng NT$257.5 bilyon ang personal loans noong Hunyo, ang pinakamalaking buwanang pagtaas na naitala sa kasaysayan. Pangunahing dahilan nito ang patuloy na demand para sa pagbili ng bahay, pagtaas ng bagong auto loans, at ilang pangangailangan para sa personal financial management. Batay naman sa gamit ng pautang, tumaas din nang NT$355.2 bilyon ang working capital loans noong Hunyo, ang pinakamataas para sa parehong panahon sa kasaysayan.
Ayon sa FSC, may 38 domestic banks sa Taiwan sa pagtatapos ng Hunyo. Umabot sa NT$47.8129 trilyon ang kabuuang outstanding loans, mas mataas ng NT$459.2 bilyon kumpara sa nakaraang buwan, na siyang pinakamalaking pagtaas para sa Hunyo sa kasaysayan. Samantala, umabot sa NT$67.338 bilyon ang overdue loans, bumaba ng NT$1.184 bilyon mula Mayo. Nanatili sa 0.14% ang non-performing loan ratio, kapareho noong katapusan ng Mayo at mas mababa ng 0.01 percentage point kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Sinabi ni Chou Cheng-shan, chief secretary ng Banking Bureau ng FSC, na kung pagbabatayan ang uri ng borrower, pinakamalaki ang pagtaas sa pautang sa private enterprises na umabot sa NT$340.4 bilyon, ang pinakamataas din para sa parehong panahon sa kasaysayan. Ayon sa kanya, bunga ito ng malakas na market demand at pangangailangan ng mga kumpanya para sa pagtatayo ng mga pabrika at pag-iimbak ng supplies. Pangalawa ang personal loans na tumaas ng NT$257.5 bilyon sa loob lamang ng isang buwan. Patuloy umano ang demand ng publiko para sa pagbili ng sariling bahay, habang malaki rin ang itinaas ng bagong auto loans at may ilan ding umutang para sa personal financial needs.
Kung pagbabatayan naman ang gamit ng mga pautang, sinabi ni Chou na nagtala ng record increase para sa parehong panahon ang working capital, pagbili ng movable assets at corporate investment. Tumaas ng NT$355.2 bilyon ang working capital loans noong Hunyo, na kinabibilangan ng pangangailangan ng mga kumpanya at indibidwal. Gayunman, karamihan nito ay para sa pagbili ng raw materials at pagbabayad sa suppliers ng mga kumpanya, habang mas maliit ang bahagi para sa personal financial needs.
Tumaas din ng NT$44.6 bilyon ang mga pautang para sa pagbili ng real estate dahil sa patuloy na demand para sa sariling tirahan. Samantala, tumaas ng NT$31.4 bilyon ang loans para sa pagbili ng movable assets, habang umakyat naman ng NT$28 bilyon ang corporate investment loans.
Sa mga domestic bank, nanguna ang Mega International Commercial Bank sa pinakamalaking pagtaas ng pautang noong Hunyo na NT$90.4 bilyon. Sumunod ang Bank of Taiwan na may dagdag na NT$78.3 bilyon at Land Bank of Taiwan na may NT$52.8 bilyon.
Samantala, pinakamalaki ang pagbaba ng pautang sa Taishin International Bank na bumaba ng NT$34.1 bilyon. Sumunod ang Taipei Fubon Bank na bumaba ng NT$34 bilyon at SinoPac Bank na nabawasan ng NT$26.2 bilyon.