Mariing hinikayat ni Pangulong Lai Ching-te ngayong Agosto 7 ang mga Taiwanese na magkaanak habang dumadalo sa Family Day ng Presidential Office at National Security Council.
Sinabi niya na inilunsad ng pamahalaan ang mga programang tulad ng NT$5,000 buwanang growth allowance para sa mga batang edad 0 hanggang 18 at ang “6+3” parental leave policy upang mas suportahan ang mga pamilya.
Hinikayat niya ang publiko sa pagsasabing, “Hindi kulang ang isa, hindi sobra ang dalawa, at tamang-tama ang tatlo.” Binigyang-diin niyang nagsisikap ang pamahalaan na maibigay ang pinakamahusay na kapaligiran at benepisyo sa kasaysayan ng Taiwan para sa panganganak, pagpapalaki at edukasyon ng mga bata.
Sa kanyang talumpati, sinabi rin ng Pangulo na bukas ay Father's Day at binati niya nang maaga ang lahat ng ama sa Presidential Office at sa buong Taiwan. Pinasalamatan din niya ang mga ama sa kanilang pag-aalaga sa pamilya at kontribusyon sa pag-unlad ng bansa.
Sinabi rin ng Pangulo na dahil sa sama-samang pagsisikap ng mamamayan, umabot sa 13.72% ang economic growth rate ng Taiwan sa unang kalahati ng taon, ang pinakamahusay na performance sa kaparehong panahon sa loob ng 50 taon.
Dagdag niya, ang central government budget para sa susunod na taon ay bubuuin nang hindi kinakailangang mangutang, sa unang pagkakataon sa loob ng 78 taon.
Upang maibahagi sa lahat ang bunga ng paglago ng ekonomiya, sinabi ng Pangulo na patuloy na isinusulong ng gobyerno ang mga patakaran para sa mas mataas na sahod, mas mababang buwis, mas maraming benepisyo at mas magaang gastusin ng mga pamilya.
Noong Mayo, inilunsad din ang bagong population strategy ng Taiwan para sa family support, na kinabibilangan ng apat na pangunahing estratehiya, limang larangan at 18 hakbang upang mabigyan ng mas malaking suporta ang nakababatang henerasyon.
Simula sa susunod na taon, sinabi ng Pangulo na ang mga wala pang 18 taong gulang ay makatatanggap ng NT$5,000 bawat buwan na growth allowance, at nakalaan na ang pondo para rito sa national budget.
Kasabay nito, isinusulong din ng pamahalaan ang “6+3” parental leave policy at iba pang hakbang upang palawakin ang suporta sa mga pamilya.
Sinabi ni Pangulong Lai na bilang ama ng dalawang anak, nais niyang hikayatin ang publiko: “Hindi kulang ang isa, hindi sobra ang dalawa, at tamang-tama ang tatlo.”
Aniya, patuloy na nagsisikap ang pamahalaan mula pa noong administrasyon ni dating Pangulong Tsai Ing-wen upang maibigay ang pinakamahusay na kapaligiran at mga benepisyo para sa panganganak, pagpapalaki at edukasyon ng mga bata.
Hinikayat niya ang publiko na samantalahin ang mga suportang ito at sinabi: “Kung hindi ngayon, kailan pa?”
Binigyang-diin ng Pangulo na ang pamumuhunan sa susunod na henerasyon ay pamumuhunan sa kinabukasan ng bansa. Patuloy aniya ang pamahalaan sa paglikha ng mas magandang kapaligiran upang maging mas ligtas ang Taiwan, mas umunlad ang ekonomiya at magkaroon ng mas magandang buhay ang mamamayan upang buong tapang nilang maabot ang kanilang mga pangarap.