Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

Taiwan Pinalakas Ang Ocean Survey Fleet Para Kontrahin Ang Gray-Zone Harassment Ng China

11/08/2026 13:40
Editor ng Pagsulat: 汪馬雪莉
Dumalo si Pangulong Lai Ching-te noong Agosto 11 sa Xiaogang District, Kaohsiung, para sa launching at naming ceremony ng 100-ton at 300-ton ocean survey ships ng National Academy of Marine Research. Binigyang-diin niya na kailangan ng Taiwan na magkaroon ng mas kumpletong understanding sa sarili nitong marine environment para maprotektahan ang national security. Larawan mula sa Central News Agency.
Dumalo si Pangulong Lai Ching-te noong Agosto 11 sa Xiaogang District, Kaohsiung, para sa launching at naming ceremony ng 100-ton at 300-ton ocean survey ships ng National Academy of Marine Research. Binigyang-diin niya na kailangan ng Taiwan na magkaroon ng mas kumpletong understanding sa sarili nitong marine environment para maprotektahan ang national security. Larawan mula sa Central News Agency.

Dumalo si Pangulong Lai Ching-te ngayong Agosto 11 sa launching at naming ceremony ng dalawang oceanographic survey vessel na may kapasidad na 100 at 300 tonelada na itinayo para sa National Academy of Marine Research sa ilalim ng Ocean Affairs Council. Sinabi ni Lai na sa mga nakalipas na taon ay gumagamit ang China ng research vessels at coast guard ships sa pagsasagawa ng gray-zone harassment. Ayon sa kanya, ipinapakita nito na kailangang mas kumpleto at mas detalyadong maunawaan ng Taiwan ang sarili nitong karagatan upang mapangalagaan ang pambansang seguridad.

Matapos ang halos dalawang taong konstruksyon, opisyal na inilunsad noong Agosto 11 sa Kaohsiung shipyard ng CSBC Corporation ang dalawang oceanographic survey vessel na may kapasidad na 100 at 300 tonelada. Dumalo sa seremonya sina Lai, Ocean Affairs Council Minister Kuan Bi-ling, Kaohsiung Mayor Chen Chi-mai at National Academy of Marine Research President Chen Chang-ling upang saksihan ang resulta ng domestic shipbuilding program ng Taiwan.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Lai na ang Taiwan ay isang maliit at mabundok na bansa na napapalibutan ng dagat. Para sa Taiwan, aniya, ang karagatan ay hindi hadlang kundi tulay na nag-uugnay sa bansa sa buong mundo. Dahil dito, nang maupo siya bilang pangulo ay itinakda niya ang pambansang direksyon na “compete in space and explore the ocean.” Sa nakalipas na dalawang taon, nakumpleto rin ng Executive Yuan ang pagpasa ng Marine Conservation Act, naglabas ng bagong bersyon ng National Ocean Policy White Paper at isinulong ang pagtatatag ng isang pambansang sistema para sa pamamahala at operasyon ng marine science and technology.

Sinabi ni Lai na ang opisyal na paglulunsad ng dalawang survey vessel ay konkretong resulta ng pagsisikap ng Taiwan na magkaroon ng sariling kakayahan sa pagsasaliksik at pag-aaral ng karagatan. Ang tungkulin ng mga barko ay gawing mas malinaw ang mga bahagi ng karagatan na dati ay kulang o limitado ang impormasyon.

Kapag nagsimula nang maglayag ang dalawang barko, magsasagawa ang mga ito ng mga pangunahing pag-aaral sa ocean hydrology, geology at ecology sa coastal waters, mababaw na bahagi ng dagat at mga karagatang nakapaligid sa mga outlying island ng Taiwan. Ang mga monitoring data na makokolekta ay gagamitin para sa marine conservation, disaster prevention, climate adaptation, industrial development at paggawa ng mga polisiya ng pamahalaan. Inaasahang makatutulong din ang mga ito upang mapahusay ang marine governance at disaster response capacity ng Taiwan.

Partikular ding binigyang-diin ni Lai ang mga gray-zone operation ng China gamit ang research vessels. Pinasalamatan niya ang mga tauhan ng Taiwan Coast Guard sa kanilang pagsisikap na protektahan ang teritoryong pandagat ng bansa. Sinabi niyang kailangang magkaroon ang Taiwan ng sapat na kaalaman tungkol sa sariling marine environment upang mapanatili ang kaayusan sa karagatan.

“Sa mga nakalipas na taon, gumagamit ang China ng research vessels, coast guard ships at cognitive warfare upang magsagawa ng iba’t ibang uri ng gray-zone harassment na nakaaapekto sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon. Paulit-ulit nitong ipinapaalala sa atin na tanging sa mas kumpletong pag-unawa sa sarili nating marine environment natin mapangangalagaan ang pambansang seguridad at makikipagtulungan sa international community upang protektahan ang kaayusan sa karagatan,” sinabi ni Lai.

Ayon sa pangulo, nais ng pamahalaan na gamitin ang kapangyarihan ng siyensya upang mas maayos na masubaybayan ang pagbabago sa karagatang nakapaligid sa Taiwan. Layunin din nitong palakasin ang maritime domain awareness at bumuo ng sariling kaalaman at kakayahan sa karagatan.

Naniniwala si Lai na sa pamamagitan nito ay magkakaroon ang Taiwan ng mas malaking kumpiyansa at kakayahan upang harapin at malampasan ang mga hamon mula sa gray-zone harassment.

Pagkatapos ng kanyang talumpati, pinangunahan ni Lai ang opisyal na pagpapangalan sa dalawang survey vessel na “Chengbo 101” at “Chengbo 102” at nasaksihan din niya ang tradisyunal na bottle-breaking ceremony bago ang paglulunsad ng mga barko.

Samantala, sinabi ni Ocean Affairs Council Minister Kuan Bi-ling na kapag nadagdag na sa hinaharap ang isang 4,000-ton survey vessel, magiging ganap na ang pambansang ocean survey fleet ng Taiwan na kayang magsagawa ng mga pag-aaral mula sa coastal waters hanggang sa deep sea.

Sa harap ng mga gray-zone challenge tulad ng madalas na pagpasok ng Chinese research vessels sa karagatan ng Taiwan upang magsagawa ng surveys, sinabi ni Kuan na dapat ang Taiwan mismo ang magsaliksik sa sariling karagatan at magkaroon ng kontrol sa sarili nitong datos.

“Ang sarili nating karagatan, tayo mismo ang magsasaliksik. Ang sarili nating datos, tayo mismo ang hahawak. Habang mas marami tayong nalalaman tungkol sa dagat, mas malaki ang kakayahan nating protektahan ito,” sinabi niya.

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解