Isinusulong ng Executive Yuan ang apat na taong “National Pharmaceutical Resilience Preparedness Program.” Sinabi noong araw (ika-14) ni Deputy Health Minister Lin Ching-yi na magsasagawa ang Ministry of Health and Welfare ng ikalawang pagpupulong sa Setyembre upang tapusin ang listahan ng mga kritikal na gamot. Pagkatapos nito, tutulungan ang mga kumpanya na simulan ang lokal na produksyon ng mga gamot sa Taiwan.
Upang mapalakas ang kakayahan ng Taiwan na gumawa ng mahahalagang gamot at mapatatag ang supply chain, inaprubahan ng Executive Yuan ang programang tatakbo mula 2026 hanggang 2029, na may kabuuang budget na NT$24 bilyon.
Nakapagtukoy na ang Ministry of Health and Welfare ng mahigit 60 kritikal na gamot, batay sa dalas ng paggamit, limitadong bilang ng drug licenses, konsentradong supply sources at pangmatagalang pag-asa sa special imports. Kabilang dito ang mga gamot para sa high blood pressure, diabetes at antibiotics gaya ng Penicillin G.
Ayon kay Lin, hindi pinakamahalaga kung ilang gamot ang mapipili, kundi kung sapat ang kakayahan ng Taiwan na matiyak ang kanilang supply. Matapos makumpirma ang priority list sa Setyembre, makikipagtulungan ang Ministry of Health and Welfare sa Ministry of Economic Affairs upang suportahan ang lokal na produksyon.
Bukod dito, plano rin ng ministry na bumuo ng espesyal na batas para sa pharmaceutical resilience at pag-aralan ang pagtatatag ng pondo para suportahan ang drug reserves.
Plano rin ang pagtatayo ng “National Pharmaceutical Intelligent Logistics and Stockpile Center” o PILLS Center, na magsisilbi hindi lamang sa mga ospital kundi pati sa community pharmacies upang mapahusay ang distribusyon at paglalaan ng mga gamot.
Para naman sa medical resilience sa panahon ng digmaan, espesyal na kalamidad o multiple disasters, sinabi ni Lin na mahalagang bahagi ng paghahanda ang kakayahang ilipat sa underground facilities ang medical services. Hinihikayat at tinutulungan na ng ministry ang mga major emergency hospitals sa buong Taiwan na maghanda para rito