Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Українська Sitemap

Hindi Bababa Sa 11 Sundalo Nasugatan Sa Ambush Sa Timog Pilipinas

06/10/2026 10:00
Editor ng Pagsulat: 汪馬雪莉
Isang convoy ng 45th Infantry Battalion sa ilalim ng 11th Infantry Division ng Philippine Army ang tinambangan ng hindi pa matukoy na bilang ng mga armadong lalaki habang dumaraan sa isang liblib na bahagi ng Tipo-Tipo, Basilan noong umaga ng Oktubre 5. Hindi bababa sa 11 tauhan ng militar ang nasugatan sa insidente. Makikita sa larawan ang mga sundalo ng yunit habang nagsasagawa ng marching operation. (Photo source: FB@1101st Infantry "Gagandilan" Brigade)
Isang convoy ng 45th Infantry Battalion sa ilalim ng 11th Infantry Division ng Philippine Army ang tinambangan ng hindi pa matukoy na bilang ng mga armadong lalaki habang dumaraan sa isang liblib na bahagi ng Tipo-Tipo, Basilan noong umaga ng Oktubre 5. Hindi bababa sa 11 tauhan ng militar ang nasugatan sa insidente. Makikita sa larawan ang mga sundalo ng yunit habang nagsasagawa ng marching operation. (Photo source: FB@1101st Infantry "Gagandilan" Brigade)

Hindi bababa sa 11 tauhan ng militar ang nasugatan matapos tambangan ng mga armadong lalaki ang isang convoy ng militar sa Basilan province sa katimugang Pilipinas noong umaga ng Oktubre 5. Isinailalim na sa full alert ang Basilan habang nagsasagawa ang militar ng pursuit operation laban sa mga responsable sa pag-atake.

Ayon sa ulat ng 11th Infantry Division ng Philippine Army, bandang alas-7:45 ng umaga nang tambangan ng hindi pa matukoy na bilang ng mga armadong lalaki ang isang convoy ng 45th Infantry Battalion habang dumaraan sa isang liblib na bahagi ng Tipo-Tipo, Basilan. Dinala sa ospital ang mga nasugatan upang magamot.

Sinabi sa ulat na agad na nagpadala ng karagdagang tropa ang militar bilang suporta at inilunsad ang pursuit operation upang maiwasan ang karagdagang banta sa mga sundalo at mga komunidad sa lugar.

Samantala, sinabi ni Western Mindanao Command spokesperson Jose Covarrubias Jr. sa media na binubuo ang convoy ng tatlong sasakyang militar at tatlong sibilyang sasakyan. Kabuuang 11 sundalo, opisyal, at miyembro ng militia ang nasugatan sa insidente.

Dagdag ni Covarrubias, gumamit ang militar ng Black Hawk helicopter upang ilikas at dalhin sa ospital ang mga sugatan.

Tungkol naman sa posibilidad na may teroristang grupo sa likod ng ambush, sinabi ni Covarrubias na wala nang aktibong terorista sa lugar ngunit mayroon pa ring ilang tinatawag na lawless elements. Patuloy pa ring iniimbestigahan ang pagkakakilanlan ng mga umatake.

Ayon sa kanya, isinailalim na sa full alert status ang buong Basilan province.

Ang Basilan ay isang island province sa pinakatimog-kanlurang bahagi ng Pilipinas. Noong nakaraan, naging pangunahing lugar ito ng operasyon ng teroristang grupong Abu Sayyaf at noong 2014 ay naiugnay rin bilang isa sa mga sentro ng Islamic State o IS sa Southeast Asia.

Noong Hunyo ng nakaraang taon, inanunsyo ng pamahalaan ng Pilipinas na matapos ang ilang dekadang operasyon, wala na umanong banta ng terorismo sa Basilan at ang mga miyembro ng Abu Sayyaf ay napatay o sumuko na.

Gayunman, nananatili pa rin ang ilang lokal na armadong grupo sa Basilan. Noong Oktubre ng nakaraang taon, nagkaroon din ng armadong sagupaan sa Tipo-Tipo na kinasangkutan ng mga lokal na pamilya. Nag-post noon ang pamahalaang bayan sa Facebook na ang lugar ay under siege, dahilan upang suspendihin ang trabaho, klase, at ilang aktibidad pang-ekonomiya.

Kasalukuyang nakataas sa Level 3 Orange Alert ang travel advisory ng Ministry of Foreign Affairs ng Taiwan para sa Mindanao, kabilang ang Basilan. Ayon sa advisory, nananatili ang banta ng terorismo at may mga alalahanin sa seguridad sa lugar, kaya pinapayuhan ang mga mamamayan na iwasan ang mga hindi kinakailangang biyahe roon.

We use cookies to provide you with a better browsing experience.

By continuing to browse this site, you agree to our Cookie Policy. Learn more about our Privacy Policy

I understand
00:00
00:00
0.5x 1x 1.5x 2x