Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Українська Sitemap

Taiwan President’s Son, Target Ng Pagmamanman Sa US! Gobyerno, Nagtaas Ng Alerto

06/10/2026 13:40
Editor ng Pagsulat: 汪馬雪莉
Noong October 4, inaresto ng US FBI sa Los Angeles International Airport ang isang California woman na si Wanying Zhang. Inakusahan siya ng pagmo-monitor sa anak ni President Lai Ching-te para umano sa China. (Photo source: X @ F.A. United States Attorney Bill Essayli)
Noong October 4, inaresto ng US FBI sa Los Angeles International Airport ang isang California woman na si Wanying Zhang. Inakusahan siya ng pagmo-monitor sa anak ni President Lai Ching-te para umano sa China. (Photo source: X @ F.A. United States Attorney Bill Essayli)

Ayon kay Bill Essayli, First Assistant U.S. Attorney ng federal prosecutor’s office sa Estados Unidos, isang 34-anyos na babaeng nagngangalang Wanying Zhang ang dinakip ng Federal Bureau of Investigation o FBI noong ika-4 ng Oktubre sa Los Angeles International Airport o LAX habang naghahanda siyang umalis patungong China.

Inakusahan si Zhang na nagmamanman sa anak ni Pangulong Lai Ching-te na si Lai Ting-yu at sa pamilya nito sa Estados Unidos para sa pamahalaan ng China. Bilang tugon sa Central News Agency noong ika-5 ng Oktubre, sinabi ng U.S. Department of State na nakatuon ang Estados Unidos sa pagprotekta sa mga taong nasa loob ng kanilang teritoryo laban sa mga dayuhang gobyerno at rehimen na nagtatangkang manakot, manggulo, manakit, o magbanta sa ibang tao.

Kaugnay nito, sinabi ni Premier Cho Jung-tai sa panayam sa Legislative Yuan ngayong ika-6 ng Oktubre na kapag naging malinaw nang realidad ang transnational repression o panunupil na lumalampas sa hangganan ng isang bansa, hindi maaaring piliin ng pamahalaan at mamamayan ng Taiwan na manahimik.

Ayon kay Cho, nilalabag ng China ang isa sa pinakamalalaking ipinagbabawal ng pandaigdigang komunidad sa pamamagitan ng pagsasagawa ng cross-border repression na lumalabag sa karapatang pantao. Aniya, kapag napatunayang umiiral na ang ganitong uri ng panunupil, hindi maaaring manahimik ang Taiwan o balewalain lamang ito.

Nanawagan din si Cho sa lahat ng mamamayan at organisasyon sa Taiwan na higit na bantayan ang kanilang personal na kaligtasan. Sinabi niyang kailangang patuloy na pataasin ang pag-iingat, hindi lamang pagdating sa cybersecurity kundi maging sa pisikal na seguridad ng mga tao. Aniya, mahalaga ang sama-samang pagkilos ng pamahalaan at mamamayan upang maprotektahan ang soberanya ng bansa at ang kaligtasan ng publiko.

Binigyang-diin din ni Vice Foreign Minister François Wu na ang insidente ay hindi lamang tungkol sa kaligtasan ng anak ng pangulo. Apektado rin umano nito ang seguridad ng lahat ng Taiwanese na nasa Estados Unidos.

Aniya, walang Taiwanese sa Amerika ang dapat makaranas ng banta ng transnational repression mula sa Chinese Communist Party. Pinasalamatan din niya ang Estados Unidos sa mga hakbang nito upang protektahan ang mga mamamayan ng Taiwan at sinabing patuloy na makikipagtulungan ang pamahalaan ng Taiwan sa Washington upang labanan ang mga ilegal na gawaing tumatawid sa mga pambansang hangganan.

Sinabi naman ni Mainland Affairs Council Minister Chiu Chui-cheng na ipinapakita ng kaso na hindi lamang mga opisyal ng gobyerno o mga pulitikong partikular na tinatarget ng Chinese Communist Party ang maaaring maging biktima ng transnational repression.

Ayon kay Chiu, layunin din umano nitong palawakin ang pananakot laban sa buong mamamayan ng Taiwan at lumikha ng chilling effect o takot na maaaring pumigil sa mga tao na magsalita o kumilos.

Upang hindi mapabayaang harapin nang mag-isa ng mga Taiwanese ang ganitong uri ng panunupil, sinabi ni Chiu na nakapagtatag na ang Mainland Affairs Council ng mabilisang mekanismo ng pagtugon na kinabibilangan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Nakatakda rin umano silang bumuo sa lalong madaling panahon ng isang komprehensibong gabay para sa publiko.

Tinukoy din ni Chiu na sa Estados Unidos, ang pagsunod, pagmamanman, o pangangalap ng impormasyon tungkol sa mga partikular na tao sa ngalan ng ibang puwersa ay maaaring ituring na seryosong krimen. Sa Taiwan, sinabi niyang mayroon pa ring kakulangan sa kasalukuyang legal na balangkas para tugunan ang ganitong mga gawain.

Dahil dito, sinabi niyang agarang kailangan ang pagpapalakas ng mga batas. Kasalukuyang isinusulong ng Mainland Affairs Council ang mga pagbabago at karagdagang probisyon sa Anti-Infiltration Act at iba pang kaugnay na batas upang maprotektahan ang pambansang seguridad at ang mga karapatan ng publiko.

Umaasa si Chiu na susuportahan ito ng buong lipunan. Binigyang-diin din niya na walang isang bansa ang kayang harapin nang mag-isa ang transnational repression. Aniya, kailangang sama-samang kondenahin at labanan ng mga demokratikong bansa ang ganitong uri ng panunupil.

We use cookies to provide you with a better browsing experience.

By continuing to browse this site, you agree to our Cookie Policy. Learn more about our Privacy Policy

I understand
00:00
00:00
0.5x 1x 1.5x 2x