Nagbitiw sa puwesto noong October 7 si Overseas Community Affairs Council (OCAC) Minister Hsu Chia-ching, kasunod ng kontrobersiya kaugnay ng pagsama umano sa kanyang anak bilang “official photographer” sa mga overseas trip at paggamit umano ng kanyang asawa sa official vehicle ng isang Taiwan overseas office.
Sa isang emergency press conference nitong umaga, inanunsyo ni Hsu na epektibo agad ang kanyang pagbibitiw. Mariin niyang itinanggi na ginamit niya ang kanyang posisyon para bigyan ng pabor ang kanyang pamilya, nagsayang ng public funds, o inabuso ang kanyang kapangyarihan.
Ang kontrobersiya ay nagsimula matapos siyang akusahan ng opposition lawmakers na isinama ang kanyang anak sa mga official overseas trip bilang “photographer,” habang ginamit naman umano ng kanyang asawa ang government vehicle ng isang Taiwan overseas office.
Tinawag ni Hsu na “paninira” ang mga alegasyon laban sa kanya. Sinabi niyang ilang mambabatas ang paulit-ulit na nagbigay ng maling impormasyon at binaluktot ang kanyang trabaho, sa kabila ng mga dokumento at paliwanag na ibinigay niya upang linawin ang mga isyu.
Dahil dito, sinabi ni Hsu na kusa siyang humiling ng administrative at judicial investigation at handa siyang makipagtulungan nang buo. Anuman ang maging resulta ng imbestigasyon, sinabi niyang igagalang at tatanggapin niya ito.
Sa pagsagot sa mga tanong ng media, iginiit ni Hsu na wala siyang nilabag na batas at hindi siya gumamit ng espesyal na pribilehiyo.
“Hindi ko gagamitin ang aking posisyon para gumawa ng anumang oportunidad para sa sarili kong pamilya. Hindi rin ako gagamit ng public funds para sa kanila, at hindi ko kailanman hihilingin sa aking staff na asikasuhin ang aking personal na pangangailangan,” ayon kay Hsu.
Ipinaliwanag niyang dahil sa kakulangan ng staff, humingi siya ng tulong mula sa kanyang mga kaibigan at kapamilya. Aniya, wala na siyang magagawa kung iba ang naging paglalarawan dito ng kanyang mga kritiko.
Bago magbitiw, sinabi ni Hsu na ipinaalam muna niya ang kanyang desisyon kay President Lai Ching-te at Premier Cho Jung-tai, na kapwa humiling umano sa kanyang pag-isipang muli ang desisyon.
Gayunman, pinili pa rin niyang bumaba sa puwesto. Ayon kay Hsu, kailangan ng tapang kapwa sa pagpapatuloy at pag-alis sa tungkulin. Sinabi rin niyang sa gitna ng political attacks, maaari siyang batikusin manatili man siya o magbitiw, kaya hindi niya itinuturing na kawalan ng katarungan ang kanyang desisyon.
Sa kanyang resignation statement, sinabi ni Hsu na nagbitiw siya upang mapanatili ang kalayaan at pagiging patas ng administrative at judicial investigations, maibalik ang atensyon ng publiko sa mas mahahalagang usapin, at mapangalagaan ang reputasyon ng posisyon ng OCAC minister.
Tinanong din si Hsu kung may kaugnayan sa year-end elections ang kanyang pagbibitiw. Sinabi niyang hindi niya tinitingnan ang usapin sa ganoong political perspective, ngunit idinagdag na ang “pag-atake kay A ay hindi makapagliligtas kay B.”
Inihalintulad din niya ang mga alegasyon sa “mga drone ng maling impormasyon na umiikot sa himpapawid ng Taipei,” at sinabing umaasa siyang mababawasan ang ganitong uri ng political attacks upang magkaroon ang publiko ng mas malinaw na pagkakataong gumawa ng sariling desisyon.
“Ang pag-atake sa akin ay hindi makapagpapahusay sa English ng ibang tao. Hindi rin nito awtomatikong mapapabuti ang pagpapatakbo ng mga lungsod, at hindi nito mabibigyan ng mas malaking benepisyo ang publiko,” ayon kay Hsu.
Samantala, sinabi ni Hsu na sinimulan na ang turnover process bago ang nalalapit na Double Ten National Day. Tiniyak niyang magpapatuloy ayon sa plano ang mga nakatakdang aktibidad at hinikayat ang publiko na patuloy na suportahan ang mga programa ng OCAC.