Nagpahayag ng suporta ang Taiwan sa patuloy na pagbibigay-pansin ng Japan sa seguridad ng rehiyong Indo-Pacific, kasabay ng plano ng pamahalaang Hapones na baguhin ngayong taon ang tatlong pangunahing dokumento nito sa pambansang seguridad at pag-aralan ang posibilidad ng paggamit ng mga submarinong pinatatakbo ng nuclear power.
Sa panayam sa media ngayong Oktubre 13, sinabi ni Hong Ying-jie, Secretary-General ng Taiwan-Japan Relations Association sa ilalim ng Ministry of Foreign Affairs ng Taiwan, na malugod na tinatanggap ng pamahalaan ang mga hakbang ng Japan upang tugunan ang mga hamon sa seguridad ng rehiyon.
Gayunpaman, nilinaw niya na hindi pa pinal ang direksiyon at nilalaman ng mga planong pagbabago sa tinatawag na Three Security Documents ng Japan. Dahil dito, patuloy na mahigpit na susubaybayan ng Taiwan ang mga susunod na hakbang ng pamahalaang Hapones.
Ayon sa mga ulat ng Japanese media, nakatakdang repasuhin ng Japan ngayong taon ang tatlong pangunahing dokumento nito sa seguridad, kabilang ang pag-aaral at pagtalakay sa posibilidad ng pagkuha ng mga nuclear-powered submarine.
Posible ring magkaroon ng pagbabago sa matagal nang sinusunod ng Japan na Three Non-Nuclear Principles, na nagbabawal sa pagkakaroon, paggawa at pagpapapasok ng mga sandatang nuklear sa bansa.
Ipinaliwanag ni Hong na plano ng administrasyon ni Japanese Prime Minister Sanae Takaichi na baguhin ang mga dokumentong ito upang matugunan ang lalong nagiging seryosong sitwasyon sa seguridad sa rehiyon at sa buong mundo.
"Malugod naming tinatanggap ang pagbibigay-pansin ng Japan sa seguridad ng Indo-Pacific. Sa kasalukuyan, patuloy pa ring pinag-uusapan ng panig ng Japan ang direksiyon at mga partikular na nilalaman ng mga pagbabago sa draft, at wala pang pinal na desisyon. Mahigpit na susubaybayan ng Ministry of Foreign Affairs ang mga susunod na development," ani Hong.
Binigyang-diin din niya na parehong pinahahalagahan ng Taiwan at Japan ang mga pangunahing prinsipyo ng kalayaan, demokrasya, karapatang pantao at rule of law.
Dagdag niya, parehong matatagpuan ang Taiwan at Japan sa mahahalagang estratehikong bahagi ng First Island Chain, isang hanay ng mga isla sa Western Pacific na may malaking kahalagahan sa seguridad ng rehiyon. Dahil dito, itinuturing ng dalawang panig ang isa't isa bilang mahahalagang kasosyo at kaibigan.
Sa gitna ng lalong nagiging komplikadong sitwasyon sa rehiyon, sinabi ni Hong na patuloy na paiigtingin ng Taiwan ang pakikipagtulungan sa Japan at iba pang mga bansang may magkakatulad na pananaw at pagpapahalaga.
Kabilang sa mga prayoridad ang pagpapalawak ng kooperasyon sa regional security, pagpapalakas ng defense resilience at iba pang hakbang upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa Indo-Pacific.
Ayon sa Ministry of Foreign Affairs, layunin ng mga pagsisikap na ito na mapalalim ang ugnayan ng Taiwan sa mga kaalyado at kasosyong bansa upang sama-samang isulong ang kapayapaan, katatagan at kaunlaran sa rehiyon.