Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Українська Sitemap

China, Nagpataw Ng Parusa Sa Mga Opisyal Ng Mga Kaalyado Ng Taiwan; Taiwan At US, Kinondena Ang Pananakot At Agresibong Hakbang Ng Beijing

13/10/2026 14:00
Editor ng Pagsulat: 汪馬雪莉
Tiniyak ni US State Department Spokesperson Tommy Pigott na patuloy ang suporta ng Amerika sa Taiwan at iba pang kaalyadong bansa. Aniya, mananatiling katuwang ang Washington sa pagsusulong ng kaunlaran, seguridad at mga pinahahalagahang prinsipyo ng mga kaalyado nito. Photo Source: US Department of State
Tiniyak ni US State Department Spokesperson Tommy Pigott na patuloy ang suporta ng Amerika sa Taiwan at iba pang kaalyadong bansa. Aniya, mananatiling katuwang ang Washington sa pagsusulong ng kaunlaran, seguridad at mga pinahahalagahang prinsipyo ng mga kaalyado nito. Photo Source: US Department of State

Nagpataw ang China noong Oktubre 12 ng mga parusa laban sa dalawang matataas na opisyal mula sa Paraguay at Belize, na parehong may pormal na diplomatikong relasyon sa Taiwan. Kinondena ng pamahalaan ng Taiwan ang hakbang ng Beijing, habang nagpahayag din ang Estados Unidos ng pagtutol sa umano'y pananakot at agresibong pagkilos ng China laban sa ibang mga bansa.

Kabilang sa mga pinatawan ng parusa sina Gustavo Emigdio Villate Samaniego, Minister of Information and Communication Technologies ng Paraguay, at Francis Fonseca, Minister of Foreign Affairs and Foreign Trade ng Belize. Kabilang sa mga ipinataw na hakbang ang pag-freeze ng kanilang mga ari-arian sa China at pagbabawal sa kanilang pagpasok sa mainland China, Hong Kong at Macau.

Sa isang pahayag ngayong Oktubre 13, sinabi ni Taiwan Premier Cho Jung-tai na paulit-ulit nang ginagamit ng China ang kapangyarihan nito upang ipilit ang kagustuhan nito sa ibang mga bansa. Aniya, ang ganitong pag-iisip at pagkilos ay nagdudulot ng lumalawak na pagtutol sa buong mundo.

Binigyang-diin ni Cho na patuloy na makikipagtulungan ang Taiwan sa mga demokratikong kaalyado nito upang labanan ang pagpapalawak ng kapangyarihan at impluwensiya ng mga bansang gumagamit ng pananakot at pamimilit.

Samantala, nagpahayag din ng pagtutol ang US Department of State noong Oktubre 12 sa tinawag nitong mapamilit at agresibong pagkilos ng China laban sa paggamit ng ibang mga bansa ng kanilang mga karapatan bilang mga soberanong estado.

Sa isang pahayag, sinabi ni US State Department Spokesperson Tommy Pigott na naninindigan ang Washington sa pagsuporta sa mga kaibigan at kasosyo nito, kabilang ang Taiwan, upang isulong ang kanilang magkakatulad na interes sa kaunlaran, seguridad at mga pagpapahalaga.

"Sinusuportahan namin ang aming mga kaibigan at kasosyo, kabilang ang Taiwan, sa pagsusulong ng ating magkakatulad na kaunlaran, seguridad at mga pagpapahalaga," ani Pigott.

Sa kasalukuyan, may 12 bansa na nagpapanatili ng pormal na diplomatikong relasyon sa Taiwan, kabilang ang Paraguay at Belize.

Ang mga bagong parusa ng China ay inanunsiyo kasunod ng National Day speech ni Taiwan President Lai Ching-te noong Oktubre 10. Matapos ang talumpati, inanunsiyo rin ng Chinese military ang pagsasagawa ng mga pagsasanay militar at live-fire drills sa limang bahagi ng karagatan, kabilang ang Bohai Sea, hilaga at timog na bahagi ng Yellow Sea, East China Sea at South China Sea.

Sa panayam sa Legislative Yuan ngayong Oktubre 13, muling binanggit ni Premier Cho ang sinabi ni Pangulong Lai sa kanyang National Day speech na ang kapayapaan ay hindi maaaring makamit sa pamamagitan lamang ng pagnanais dito, at ang pagpaparaya ay hindi dapat maging dahilan upang lalong lumakas ang loob ng mga agresor.

Ayon kay Cho, ang patuloy na paggamit ng China ng mga hakbang na itinuturing niyang mapang-api ay nagdudulot ng pagtutol mula sa international community.

"Ang Republic of China (Taiwan) ay isang malaya at soberanong bansa. Walang karapatan ang People's Republic of China na makialam sa mga panloob na usapin o impluwensiyahan ang ugnayang panlabas ng anumang malaya at soberanong bansa sa mundo, kabilang ang Republic of China (Taiwan)," ani Cho.

Dagdag niya, patuloy na palalakasin ng Taiwan ang pakikipagtulungan sa mga bansang may diplomatikong relasyon dito at sa iba pang mga demokratikong kaalyado upang mapangalagaan ang kalayaan, demokrasya, karapatang pantao, kapayapaan at seguridad sa rehiyon.

"Patuloy kaming makikipagtulungan nang mas mahigpit sa aming mga kaalyado at mga demokratikong bansa upang protektahan ang kalayaan, demokrasya at karapatang pantao, gayundin ang kapayapaan at seguridad sa rehiyon. Kasabay nito, tututulan namin ang anumang pagpapalawak ng kapangyarihan ng mga hegemoniko at awtoritaryang rehimen," dagdag niya.

Samantala, sinabi ni Taiwan Deputy Foreign Minister Chen Ming-chi na ang pagpapataw ng parusa ng China ay isa na namang halimbawa ng paggamit ng Beijing ng pananakot at transnational repression laban sa ibang mga bansa.

Binigyang-diin niya na lubos na nababahala ang Ministry of Foreign Affairs dahil ang mga kaalyado ng Taiwan ang direktang naaapektuhan ng naturang mga hakbang. Tiniyak din niyang handang tumulong ang Taiwan sa mga bansang ito upang matugunan ang mga epekto ng mga parusa.

Ayon kay Chen, nagpahayag na rin ang Paraguay na hindi maaapektuhan ng mga bagong parusa ng China ang diplomatikong relasyon nito sa Taiwan.

Samantala, kinondena rin ni Mainland Affairs Council Minister Chiu Chui-cheng ang mga hakbang ng Beijing, na tinawag niyang bagong uri ng transnational repression laban sa Taiwan.

Ayon kay Chiu, layunin ng China na sirain ang diplomatikong relasyon ng Taiwan sa mga kaalyadong bansa sa pamamagitan ng pagpapataw ng mga parusa at iba pang uri ng panggigipit.

Iginiit niyang ang mga hakbang na ito ay hindi lamang nakapipinsala sa ibang mga bansa, kundi hindi rin makabubuti sa China. Aniya, lalo lamang nitong pinatitindi ang negatibong pananaw ng mga mamamayan ng Taiwan sa Chinese Communist Party at nagpapalawak ng agwat sa relasyon ng magkabilang panig ng Taiwan Strait.

Mariing kinondena ng Mainland Affairs Council ang naturang mga parusa at sinabi nitong maghahanda ang Taiwan ng mga kaukulang hakbang upang tugunan ang mga bagong anyo ng transnational repression na maaaring ipatupad ng Beijing sa hinaharap.

We use cookies to provide you with a better browsing experience.

By continuing to browse this site, you agree to our Cookie Policy. Learn more about our Privacy Policy

I understand
00:00
00:00
0.5x 1x 1.5x 2x