Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Українська Sitemap

VP Hsiao: Hackathon Maaaring Maging Testing Ground ng Gobyerno para Mapabuti ang mga Serbisyo sa Publiko

15/10/2026 12:00
Editor ng Pagsulat: 呂曉倩
Photo from Presidential Office
Photo from Presidential Office

Umaasa si Taiwan Vice President Hsiao Bi-khim na magsisilbing testing ground ng gobyerno ang Presidential Hackathon, kung saan maaaring subukan at pagbutihin ang mga bagong ideya at teknolohiya upang mas matugunan ang pangangailangan ng publiko.

Ito ang sinabi ni Hsiao noong October 14, sa kanyang pagdalo sa workshop para sa 20 napiling koponan sa 2026 Presidential Hackathon. Pinuri niya ang pagkamalikhain ng mga kalahok at hinikayat silang magpatuloy sa paghahanap ng mga bagong solusyon sa mga problemang kinakaharap ng lipunan.

Ngayong taon, ang Ministry of Agriculture ang nangangasiwa sa kompetisyon, na may temang “Smart Agriculture, Safety and Sustainability.” Nakatuon ito sa tatlong pangunahing larangan: smart governance, kaligtasan at kapakanan ng lipunan, at sustainable transformation.

Umabot sa 181 proposal ang natanggap ngayong taon. Matapos ang public voting at unang yugto ng pagpili, 20 koponan ang napiling sumali sa workshop at tumanggap ng karagdagang gabay mula sa mga eksperto.

Sa November, sasabak ang mga koponan sa final judging, kung saan pipili ng limang outstanding teams na pararangalan ng pangulo sa Presidential Office.

Ayon kay Hsiao, patuloy na isinusulong ng gobyerno ang mga programang Smart Nation 2.0 at Ten Major AI Infrastructure Projects upang mas mapalawak ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa iba't ibang sektor sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga eksperto mula sa magkakaibang larangan.

Binigyang-diin niya na bagama't maraming oportunidad ang dala ng artificial intelligence (AI), mayroon din itong kaakibat na panganib. Layunin aniya ng gobyerno na matiyak na mas malaki ang pakinabang at pag-unlad na maidudulot ng AI kaysa sa mga posibleng negatibong epekto nito.

Ipinaliwanag ni Hsiao na sa technology industry, karaniwan ang pagsubok ng mga bagong ideya at pagwawasto ng mga pagkakamali. Ngunit sa gobyerno, mas limitado ang pagkakataong magkamali dahil direktang naaapektuhan nito ang publiko.

Dahil dito, nais niyang magsilbing “sandbox” o ligtas na testing environment ang Presidential Hackathon, kung saan maaaring mag-eksperimento, sumubok ng mga solusyon, at gumawa ng mga pagbabago bago gamitin ang mga ito sa aktuwal na operasyon ng gobyerno.

“Alam kong maraming pressure ang mga nagtatrabaho sa gobyerno, pero umaasa akong sa pamamagitan ng hackathon, malaya silang makapagbahagi at makasubok ng mga bagong ideya,” ani Hsiao.

Sinabi rin niyang hindi kailangang perpekto agad ang isang panukala. Mahalaga aniyang patuloy itong sinusubukan at pinagbubuti upang makahanap ng mas epektibong solusyon.

Umaasa siyang lalawak pa ang paggamit ng mga ideyang nabubuo sa hackathon at kalaunan ay maisasama ang mga ito sa mga programa at serbisyo ng gobyerno.

Isa rin sa mga bagong tampok ng kompetisyon ngayong taon ang data governance, na sa unang pagkakataon ay isinama bilang karagdagang batayan sa pagmamarka ng mga proposal.

Ayon kay Hsiao, mahalagang gawing mas madaling magamit ng gobyerno at pribadong sektor ang mga datos na makatutulong sa pagbuo ng mga bagong serbisyo. Gayunman, dapat ding tiyakin ang proteksyon sa personal na impormasyon at seguridad ng datos.

Binigyang-diin niyang mahalaga ang dalawang aspetong ito upang maging matagumpay ang paggamit ng teknolohiya at data sa pamamahala.

Sinabi rin ni Hsiao na kailangang makasabay ang mga batas at patakaran ng gobyerno sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, upang hindi maiwan ang mga pampublikong serbisyo sa mga pagbabagong nangyayari sa pribadong sektor.

Kung makatutulong ang mga panukala ng 20 koponan upang mapabilis ang pagbabago sa mga batas, patakaran, at sistema ng pamamahala, sinabi niyang bukas ang gobyerno sa pagtanggap ng mga bagong hamon at mungkahi.

Umaasa si Hsiao na sa patuloy na pagsubok at pagpapahusay ng mga ideya sa pamamagitan ng Presidential Hackathon, mas magiging epektibo ang mga programa ng gobyerno at mas matutugunan ang inaasahan ng publiko.

Ang hackathon, mula sa mga salitang hack at marathon, ay isang kompetisyon kung saan nagtutulungan ang mga programmer, designer, researcher, at iba pang eksperto sa loob ng maikling panahon upang makabuo ng mga bagong solusyon, software, teknolohiya, o prototype para sa isang partikular na problema.

We use cookies to provide you with a better browsing experience.

By continuing to browse this site, you agree to our Cookie Policy. Learn more about our Privacy Policy

I understand
00:00
00:00
0.5x 1x 1.5x 2x