Bumisita ngayong araw, Oktubre 16, si Taiwan President Lai Ching-te sa mga senior citizen na umabot na sa edad 100 sa Yilan bilang paggunita sa nalalapit na Double Ninth Festival o Chongyang Festival sa Oktubre 18, ang ikasiyam na araw ng ikasiyam na buwan sa lunar calendar. Ayon sa pangulo, patuloy na umuunlad ang ekonomiya ng Taiwan sa mga nakalipas na taon, kaya ipagpapatuloy ng gobyerno ang mga programa para sa kapakanan ng mamamayan. Makikipagtulungan din aniya ang national at local governments upang mapabuti ang buhay ng mga Taiwanese.
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Double Ninth Festival, personal na binisita ni Lai noong umaga ng Oktubre 16 sina Liao Chung-yu at Chien Lin Chin-kuei, na kapwa umabot na sa edad 100, upang ipahayag ang paggalang at pagpapahalaga ng gobyerno sa mga nakatatanda.
Unang pinuntahan ng pangulo ang bahay ni Liao Chung-yu, na tulad niya ay nagtapos sa National Taiwan University (NTU) at mahilig sa baseball. Masayang nakipagkuwentuhan si Lai tungkol sa pang-araw-araw na gawain, mga libangan at exercise routine ni Liao.
"Umabot ka ng 100 years old at nakapag-aral ka sa NTU, at economics pa ang pinag-aralan mo. Hindi biro iyon. Naglaro ka rin ng baseball? Anong position mo? Shortstop? Ang galing naman! Malalim ang koneksyon natin dahil senior kita sa NTU at ang manugang mo naman ay nasa Tainan," sabi ni Lai.
Pinuri rin ng pangulo si Liao dahil sa patuloy nitong pagbabasa at paggamit ng kanyang propesyonal na kaalaman upang makatulong sa lipunan. Binigyang-diin din ni Lai ang pag-unlad ng ekonomiya ng Taiwan at ang pangako ng gobyerno na gamitin ang tumataas na tax revenues para sa kapakanan ng publiko.
"Ngayon, maraming negosyo at industriya sa Taiwan ang kumikita dahil sa kanilang investments. Masipag na nagtatrabaho ang buong bansa, maganda ang ating ekonomiya at tumataas ang tax collections. Ginagamit ko ang mga pondong ito para pangalagaan ang ating mamamayan," paliwanag ni Lai.
"Tunay na biyaya ito para sa mga mamamayan," tugon ni Liao.
Dagdag pa ng pangulo, resulta ito ng pagtutulungan ng lahat. Aniya, mahalaga ang kooperasyon ng national at local governments upang matiyak na mas magiging masaya at maayos ang pamumuhay ng mga residente.
Pagkatapos nito, binisita rin ni Lai si Chien Lin Chin-kuei upang kumustahin ang kanyang kalusugan at pang-araw-araw na pamumuhay. Nakipagkuwentuhan din ang pangulo kay Chien Lin at sa kanyang mga kaanak sa isang mainit at masayang pagtitipon.
Ayon kay Lai, nagsikap nang husto si Chien Lin para sa kanyang pamilya at kabuhayan. Pinuri rin niya ang matagal nang pagpapanatili nito ng healthy lifestyle, na aniya ay magandang halimbawa ng malusog at mahabang buhay.
Bilang pagtatapos ng pagbisita, personal na naghandog si Lai ng mga gift box at gintong pendant na sumisimbolo sa mahabang buhay at magandang kapalaran. Siya mismo ang nagsuot ng mga pendant kina Liao at Chien Lin, kasabay ng pagbati at pag-asang patuloy silang magkaroon ng mahabang buhay, mabuting kalusugan at kaligayahan.